Tuesday, July 7, 2009

ANGKAT NA BIGAS SA VIETNAM MALAKI ANG PATONG.

Laman na naman ng mga pahayagan ang balitang pinatungan ng 45% ang halaga ng 1.5 milyong toneladang bigas na inangkat natin sa Vietnam sa taong ito. Ang halaga ng inangkat na bigas ay $550 bawat isang tonelada. Ang 45% nito ay $247.50 at sa ating kuwarta ito ay P 11,137.50. Ang nagging patong sa 1.5 milyong tonelada ay P 1,670,625.00.
Ang ganitong uri ng kawalang-hiyaan kung may katotohanan ang ulat na ito sa mga pahayagan (Philippine Star – Philippine Daily Inquirer/July 6, 2009) ay tunay na nakakapagpaalsa ng ating sikmura na magiging sanhi ng paglabas ng ating kinain; lalo na kung ang kanin ay galing sa bigas na inangkat sa Vietnam.
Sino ang mga ninuno nating maniniwala na tayo ay aangkat ng bigas lalong-lalo sa Vietnam dahil sa tayo ay nagkukulang sa ani ng palay na pinaka-una at pinaka-mahalaga nating pagkain. Ang ating bansa, ang Pilipinas ang bansa nangunguna (no.1) sa buong daigdig sa pang-angkat ng bigas sa ngayon.
Ang minamahal nating bayan ay biniyayaan ng malapad at matabang lupang sinisibulan ng lahat ng uri ng halaman sa lahat ng oras at araw ng buong taon.
Ang panahon natin ay tag-init at tag-ulan lamang. Wala tayong yelo na nagiging dahilan upang hindi tayo makapagtanim o mamatay ang ating halaman.
Likas ang kaalaman at kasipagan ng ating mga magsasaka sa pagtatanim, pag-aalaga at pag-aani ng ating mga halaman.
Angkin natin ang pinakabantog at kinikilalang pinakamamagaling na paaralan sa paghahalaman, pagsasakahan at paghahayupan.
Ang mga bansang Thailand, Vietnam, at maging Combodia ay naging matagumpay sa pagsasakahan dahilan sa mga kababayan nilang nag-aral at nagtapos sa ating mga pamantasan ng pagsasakahan.
Ang bantog sa buong daigdig na IRRI (International Rice Research Institute) ay narito sa atin sa Los Banos, Laguna. Mayroon din tayong bantog na PHILRICE (Philippine Rice Institute) sa Guimba, Nueva Ecija. Ito ay mga Institusyon na nag-aaral kung papaano mapapadami ang butil sa uhay ng palay at nagpapaunlad sa lahat ng larangan ng Agrikultura.
At higit sa lahat; mayroon tayong malalapad pang mga nakatiwangwang na matatabang mga lupain; na kung gagawing sakahan at halamanan ay mag-aani ng higit sa sapat nating pangangailangan; at, makapagluluwas pa tayo sa ibang bansa ng bigas at iba’t-ibang uri ng prutas na ang lasa at sarap ay hindi mapantayan.
Ang mga tiwangwang na matatabang lupa sa ating mga pambansang bilangguan ay matagal ng naghihintay upang bungkalin at sakahin ng mga kaawa-awang bilanggo naghihintay ng pagkakataon na ang lakas ng kanilang katawan at likas na kaalaman at pagmamahal sa gawaing pagsasakahan ay mapakinabangan. At di ko sasawaang ulit-ulitin na ito ang pinakamagandang programa para sa mga bilanggo upang magbalik ang kanilang pagkatao at karangalan naglaho dahilan sa pagkakapiit sa bilangguan.
Ang pagwawalang-bahala at kawalang malasakit ng mga nanunungkulan at namamahala ng mga tanggapan at kawanihan sa larangan ng pagsasaka, paghahalaman at paghahayupan ay bunga ng mga makasariling mithiing ito ay maging kasangkapan ng pagpapa-unlad sa sarili nilang buhay at kabuhayan.
Sa oras na tayo ay magkaroon ng sapat na ani para sa bigas na kailangan ng ating mamamayan ay mawawala, ang malaking kinikita sa pag-aangkat ng bigas at sa pagpupuslit nito ng mga tiwaling mangangalakal na kasabwat ng mga tauhan ng pamahalaan.
Ito rin ang mangyayari kung mayroon tayong sapat na dami ng mga hayop katulad ng manok at baboy at sa iba pang mga pagkaing kailangan ng ating mamamayan.
Ang lunas sa ating mga suliraning ito ay ang tamang pagpili ng mga pinunong ihahalal natin sa 2010 na siyang mangunguna at magtatalaga ng mga manunungkulan at mamamahala sa mga sangay ng ating pamahalaang may kaugnayan sa pagsasakahan, paghahalaman at paghahayupan.

No comments:

Post a Comment